OP # 2: "Sulit kay Uulit"
Isinulat ni Rich Anne A. Magsombol
Sa ganap na ika- 1 ng umaga noong Disyembre 29, 2017, ay nagsimula ang isang paglalakbay na hindi ko malilimutan. Kami ng aking pamilya ay tumungo sa La Union. Bago makarating sa lugar ay naglakbay muna kami ng halos anim na oras. Sa anim na oras na iyon ay nahirapan akong matulog sa biyahe dahil sa saya na aking nararamdaman sa puso. Ako ay lubos na nanabik na masilayan ang kagandahan ng naturang lugar.
Mag-aalasiete na ng kami ay tumigil sa munisipyo ng isang lugar sa La Union. Kumain muna kami ng aming baong almusal at saka nagbihis ng 'panswimming' para sa falls na aming pupuntahan.
Bago makarating sa Tangadan Falls ay umarkila kami ng jeep paakyat ng bundok. Ako at ang aking ama ay umupo sa taas ng jeep upang masubukan ang sinasabing karanasan na aming hindi malilimutan. Noong una ay hindi pa nakakatakot ang pag-upo rito. Ngunit sa pagtagal ay tumataas ang aming bundok na tinatahak kaya nama'y napakapit na lang ako sa mga bakal na hawakan sa bubong ng jeep upang mabawasan ang takot na aking nadarama. Bukod pa rito, kinailangan naming yumuko paminsan-minsan upang hindi kami madali at masugatan ng mga sanga ng puno. Halos isang oras na pagsakay sa bubong ang aming naranasan at sa panahong iyon ay talaga namang namangha ako sa aking mga nakitang tanawin. Napagtanto ko kung gaano kaganda ang kalikasan.
Nang marating namin ang isang parte ng bundok, kami ay tumigil at nagsimulang mag- 'trekking'. Kami ay umakyat sa bundok kasama ang aming tour guide. Mainit at matagal ang aming nilakbay. Mga mababatong daan at gawang hagdanan ang aming tinahak bago makarating sa Tangadan falls. Napaisip ako ng ilang beses kung gaano ko na gustong tumigil sa paglalakad dahil sa pagod.
Ngunit sa sandaling nasilayan ko ang Tangadan falls ay tila ba nawala ang pagod sa aking katawan. Nakaramdam ako ng pananabik at pagkabuhay ng damdamin dahil sa taglay na ganda nitong falls. Ako ay agad na kumuha ng maraming litrato. Ako rin ay naglangoy rito ng may kasamang 'life vest' dahil sa kalaliman nito.
Pagkatapos ng paglalangoy ay bumalik na uli kami sa aming sasakyan na jeep. Habang naglalakad at naglalakbay ay roon ko lang napagtanto na ang mga bagay na magaganda ay talagang pinaghihirapang makamit. Na kahit na gaano kahaba o nakakapagod ang isang bagay o karanasan ay hindi tayo dapat na tumigil o sumuko dahil sa dulo naman ay magiging sulit ang lahat. Kaya naman kung mabibigyan ng pagkakataon ay uulitin ko ang karanasang ito dahil masaya ito.
Comments
Post a Comment