OP #1: "Repleksyon ng Pag-ibig"

Isinulat ni Rich Anne A. Magsombol

         Isang librong tila nangungusap sa akin ang pumukaw sa aking damdamin. Isang librong simple lang ang pabalat at may natatagong mensahe sa pamagat. "Smoke and Mirrors" ang titulo ng nasabing aklat. Ang librong hindi ko pa man nababasa ay iniyakan ko na dahil sa muntikan ko itong hindi mabili sa taglay na kamahalan ng presyo.

         Sa bawat pahina ay ibang istorya ang taglay nito. Mga istoryang tungkol sa masayang pag-ibig samantalang ang iba nama'y malulungkot. Mga kwento ng karanasan ng taong masasabi kong tunay na nagmamahal. Habang tumatagal sa aking pagbabasa ay nakaramdaman ako ng galak at lungkot. Tila ba nangungusap at kumakatok sa puso ko ang mga kwento. Ang mga kwentong nagparamdam sa akin na walang perpektong pagmamahal sa mundo. Na minsan talaga'y hindi maiiwasan ang masaktan lalo na kapag puso ang sinugal mo. Iba't ibang kuwento man ang aking nabatid at naramdaman, masasabi kong ang buhay talaga ay gulong ng emosyon na nagpapaikot sa buhay ng tao. Dahil kahit anuman ang ating maramdaman, pag-ibig pa rin ang mananaig at siyang ating uuwian.

       Nabatid ko na maging mausok o hindi malinaw man ang mga nangyayari sa ating buhay, tayo'y patuloy pa ring magmamahal at magmamahal. At ang librong ito ang masasabi kong sumasalamin sa tunay na buhay ng mga taong umibig, umiibig at iibig pa lang. Na kahit gaano man tayo kadelikado at hindi kasigurado sa ating minamahal, tayo ay susugal pa rin dahil repleksyon ito ng kung sino tayo - mga taong puno ng pagmamahal.

Comments

Popular posts from this blog

Finals: Sulatin Blg. 3

Sulatin Blg. 3

OP#2: Deskriptibong Pananaliksik