OP#6: "Sino Siya?"
Isinulat ni Rich Anne A. Magsombol
Isang simpleng babaeng pangkaraniwan,
Isang simpleng babaeng pangkaraniwan,
Palaging nakangiti at nasisiyahan.
Maraming nagtatanong kung ba't di mapawi,
Ang mistulang kurba sa kanyang mga labi.
Noo'y minsan lamang kung siya'y magsambit.
"Sino siya?, bigla niyang nabanggit.
Dalawang salitang nagsimula ng ibang kasiyahan,
Sino nga ba siya para kanyang matipuhan.
Sa una pa lang siya'y isang misteryo na.
Ang pagkilala sa kanya'y hindi basta-basta.
Maraming tanong sa kanyang pagkatao,
Ngunit sa nararamdaman ng dalaga'y walang nagbago.
Isang lalaking lubos at tunay na magmahal.
Siya na ang sagot sa hiling ng babaeng nagdarasal.
Habang tumatagal ay nasasagot ang tanong na, "Sino siya?"
"Sino siya?", kaibigan ko.
"Sino siya?", pinagkakatiwalaan ko.
"Sino siya?", ang taong laging nandyan para sa akin.
"Sino siya?", siya ang taong nagturo sa akin ng maraming bagay.
Ang taong nagturo sa akin kung paano tunay na magmahal. Kung paano magbigay ng walang hinihintay na kapalit. Kung paano mahalin ang sarili kasabay ng pagmamahal sa iba. Siya ang taong nagmulat sa akin kung kailan mananatili o lalaban sa mga bagay na nakasasakit. Siya ang taong nagbibigay lakas sa akin. Ang dahilan kung bakit hindi ako sumusuko at sa halip ay ang pagpapatuloy ko sa daang ito. Ang taong nagpatunay na may magmamahal sayo kahit na hindi ka perpekto. Ang taong hindi nawalan ng tiwala sa akin. Ang taong laging sumusuporta sa akin. Ang taong lagi kong inaasahan. Ang taong hindi ako sinukuan kahit na minsa'y mahirap akong intindihin. Maswerte ako at nakilala ko siya kaya naman'y hindi na pakakawalan pa.
Ang "ako" at "siya" ay hindi na dalawang magkahiwalay na salita. Dahil ang "ako" at "siya" ay ngayo'y "kaming dalawa" na.
"Sino siya?", wala ng ako at siya. Ang meron ay kaming dalawa.
Comments
Post a Comment